Ano ang Mabisang Gamot sa Pangingilo ng Ngipin?

Kapag hindi ka umiinom ng mainit o malamig na inumin sapagkat alam mo na makakaranas ka ng pangingilo ng ngipin dahil dito, baka kailangan mo nang makipag-usap sa iyong dentista, kasi baka ikaw ay may sensitive teeth.

Kung minsan, ibang mga bagay maliban sa malamig o mainit na inumin ang nakapagpapangilo sa ngipin, tulad ng matamis o maaasim na mga pagkain. Kahit na ang malamig na hangin ay pwedeng maging sanhi ng pangingilo ng ngipin!

Para malunasan ang ganitong pangit na pakiramdam, dapat mong maintindihan kung ano ang sanhi ng pangingilo ng iyong ngipin. Sa oras na matuklasan mo sanhi nito, madali mo nang malalaman kung ano ang solusyon!

Pangalagaan ang iyong tooth enamel

Ang tooth enamel ay isang matigas na layer na tumutulong sa ngipin na pakitunguhan ang lahat ng mga bagay na ginigiling ng iyong mga ngipin. Kapag ito ay nawala, ang mga nerve endings na siyang sanhi ng pangingilo ng ngipin ay mahahantad.

Kung ikaw ay may pangingilo ng ngipin, malamang na ang iyong tooth enamel ay maaaring gasgas na.

Para matigil o maiwasan ang pagkasira ng iyong tooth enamel, narito ang ilan sa mga pwede mong gawin.

Huwag magsisipilyo ng sobra ang diin. Mabigat baa ng iyong kamay kapag ikaw ay nagsisipilyo? Baka hindi lang ang mga dumi sa ngipin ang naaalis ng iyong pagsisipilyo. Ang mariing pagkuskos ng sipilyo sa bahagi ng ngipin na malapit sa gums ay nakapagpapadali ng pagkasira ng tooth enamel. Kailangan mong gumamit ng soft-bristled o malambot na tooth brush. Kung ikaw ay nagsisipilyo, kailangan mong panatilihin ang tamang anggulo ng tooth brush sa ngipin, mga 45 degrees sa gums para mapanatiling malusog at malinis ang iyong tooth enamel.

Mag-iwas sa mga pagkain at inuming acidic. Kung minsan, ang sagot sa tanong na paano mawala ang pangingilo ay ang pag-iwas sa mga pagkain at inumin na maaaring makapagpalala ng pangingilo tulad ng mga acidic na pagkain at inumin. Ang softdrinks, chewy na mga candy at mga pagkaing mayaman sa carbohydrates ay nakapagpapahina ng enamel. Imbes na ang mga ito ang kainin, baka gusto mong subukan ang pagkain ng mga mayaman sa fiber, tulad ng:

  • Prutas at gulay
  • Keso
  • Gatas
  • Plain na yogurt

Ang mga pagkaing ito ay makakatulong na mapanatili ang tamang moisture sa bibig at makakatulong na labanan ang acid at mga bacteria na maaaring sumira sa mga ngipin. Ang laway ay makakatulong na bwasan ang pangingilo.

Pwede ka ring uminom ng green o black tea o ngumuya ng gum na sugar free. Kung kumain ka ng pagkaing acidic, huwag kang magmamadali sa pagisispilyo. Maghintay ka ng atleast isang oras para makabawi muna ang iyong enamel bago mo ito kuskusin.

Irelax ang iyong ngipin. Sa pagdaan ng panahon, ang paggamit ng mga ngipin sa pagkain ay nakakasira ng tooth enamel. May mga taong nasanay na sa tooth grinding o sadyang paggiling ng mga ngipin kahit wala naman kinakain, kapag sila ay naiistress. Kung ganito ang dahilan ng pagkasira ng iyong tooth enamel na siya namang sanhi ng pangingilo ng ngipin, dapat munang lunasan ang iyong problema ng sa ganon ay mabawasan ang iyong stress. Kung hindi basta mawawala ang pinanggagalingan ng iyong stress, ang iyong denista ay pwedeng magreseta ng splint o mouth guard.

Kung ang problema ay malala, baka kakailanganin mong ayusin ang posisyon ng iyong ngipin, o baka kailangan mong uminom ng muscle relaxant.

Subukan mong kontrolin ang pagngangalit ng iyong ngipin. Kung hindi mo ito makokontrol, sisirain nito ang iyong ngipin sa pagdaan ng panahon.

Huwag magpapa-bleach. Ang iyong hangaring pumuti ang iyong mga ngipin ay maaaring makasira sa ngipin mo. Mabuti na lamang, ang pangingilo ng ngipin ay kadalasang panandalian lamang. Makipag-usap sa dentista mo tungkol sa kung paanong ang bleaching ay maaaring makaapekto sa ngipin mo, o kung pwede mo pa itong ipagpatuloy.

Mga sanhi ng pangingilo ng ngipin

Ano nga ba ang mga dahilan ng pangingilo ng ngipin? Kung minsan, ang pangingilo ng ngipin ay sintomas ng ibang mga sakit sa bibig tulad ng mga sumusunod.

Natural na pagkulubot ng gilagid. Kung ikaw ay nasa edad 40 na, ang pangingilo ng iyong mga ngipin ay malamang na dahil sa tinatawag na wear and tear, pagkulubot ng gilagid na siyang nagiging sanhi ng pagiging nakahantad ng mga ugat ng ngipin. Ang bahaging ito ng ngipin ay walang enamel para protektahan ito, kaya mas sensitibo ang bahaging ito kumpara sa iba.

Sabihin sa iyong denstista kung sa tingin mo ay umuurong ang iyong gums. Malamang na iyo ay sanhi ng iba pang mga problema, tulad ng sakit sa gilagid. Ang seryosong mga sakit ay maaaring mangailangan ng gum graft o ang pagkuha ng tissue sa ibang bahagi ng gums para itapal sa apektadong bahagi.

Sakit sa gilagid. Ang plaque at pamumuo ng tartar sa ngipin ay isa rin sa mga dahilan ng pag urong ng gilagid. Pwede nitong sirain ang integridad ng iyong ngipin. Ang paghinto sa paninigarilyo ay isa sa mabisang lunas sa pangingilo ng ngipin sapagkat ang paninigarilyo ay isa sa mga pangunahing sanhi ng sakit sa gilagid. Para magamot ito, kailangang magsagawa ng dentista ng isang mabusising paglinis sa ngipin para maalis ang tartar at plaque sa baba ng gums. Baka mangailangan din ng operasyon para malunasan ang problemang ito.

Tipak na ngipin. Ang pagkakaroon ng tipak o ng tinga sa ngipin ay maaari ding maging sanhi ng pangingilo ng ngipin. Ang tipak o crack sa ngipin ay maaaring umabot sa ugat. Pag ikaw ay may tipak sa ngipin, malamang na mapansin mo ang pangingilo ay umaatake kapag ang iyong ngipin ay malamig o nalamigan. Ang lunas sa tipak ng ngipin ay magdedepende sa kung gaano kalalim ang tipak. Kung ito ay kakaunting tipak lamang, malamang na ito ay madala ng pasta sa ngipin. Subalit kung ang tipak ay umabot na sa ilalim ng gum line, ang iyong ngipin ay baka kailanganin nang bunutin.

Mabisang gamot sa pangingilo ng ngipin

Kapag natukoy mo na ang ugat o sanhi ng problema, madali na para sa iyong dentista na matukoy kung ano ang mabisang lunas sa pangingilo ng ngipin. Pwede siyang gumawa ng mga paraan para mabawasan ang pangingilo, tulad ng:

  • Toothpaste para sa pangingilo ng ngipin
  • Fluoride gel
  • Pag-pasta sa mga nakahantad na ugat ng ngipin
  • Desensitizing pastes

Sa malalang mga kaso, malamang na irekomenda ng doktor ang root canal.

Mahalaga ang regular na pagpapatingin sa dentista, dalawang beses kada taon. Ang pag-iwas sa dentista kung masakit ang ngipin ay magpapalala lamang ng sitwasyon. Magsipilyo ng tatlong beses kada araw para mapanatili mo ang magandang ngiti na walang pangingilo ng ngipin.

Katulad Na Mga Artikulo