Ano ang Gamot sa Namamagang Gilagid?

Kapag naiisip mo ang kalusugan ng bibig, ang iyong pansin ay kadalasang nakatuon sap ag-iwas sa pagkasira ng ngipin. Pero, mahalagang pagtuunan din ng pansin ang iyong gums o gilagid. Ang gilagid ay may malaking papel na ginagampanan hindi lamang sa dental na kalusugan, kundi pati na rin sa iyong pangkalahatang kalusugan.

Kadalasan, ang namamagang gilagid ay palatandaan ng sakit sa gilagid. Gayunman, maraming mga bagay ang pwedeng maging dahilan ng pagkakaroon ng problema sa gilagid. Maging ano pa man ang dahilan ng pamamaga ng gilagid at ng pananakit nito, may mga gamot sa namamagang gilagid na pwede mong subukan para mabasan ang iyong mga nararamdaman.

Ipagpatuloy ang iyong pagbabasa sapagkat pag-usapan natin ang mga sanhi at gamot sa pamamaga ng gilagid.

Sanhi ng pamamaga ng gilagid

Marami ang nag-iisip na dahila namamaga o nagdurugo ang kanilang gilagid ay palatandaan na ito ng isang partikular na sakit sa bibig. Pero ang totoo, ang pagkakaroon ng sakit sa gilagid ay isa lamang sa pangunahing mga dahilan ng namamagang gilagid.

Maling pagsipilyo ng ngipin. Sa kagustuhan mong maging malinis ang iyong ngipin, baka matukso kang magsipilyo ng ubod ng diin. Ang gilagid ay gawa sa maselang mga tissue, kaya ang maling pagsisipilyo ay maaaring maging sanhi ng pamamaga ng gilagid.

Kung pipili ka ng toothbrush, piliin mo yung may malambot na nylon na bristles. Ang mga toothbrush na may katamtaman o matitigas na bristles ay maaaring makasira enamel ng iyong ngipin at maging dahilan ng pamumula o pamamaga ng iyong gums.

Sakit sa gilagid. Karamihan sa mga adultong Pinoy ay nagkakaroon ng sakit sa gilagid pagtungtong nila ng edad 35. Bagaman karamihan sa mga tao na may sakit sa gilagid ay nakakaranas ng hindi naman gaano kasamang mga sintomas, na kung tawagin ay gingivitis, may ilang mga pasyente na pinahihirapan ng mas seryosong sakit sa gilagid na kung tawagin ay periodontitis.

Kapag ang isang tao ay naging hindi maalaga sa kalusugan ng kanyang bibig, ang bacteria ay maaaring mabilis na mamuo sa plaque na nasa ngipin. Ang mga mikrobyong ito ay pwedeng maging dahilan ng pamamaga ng gilagid, na tinatawag ng karaniwang mga Pinoy na namamagang gilagid dahil sa ngipin. Ang resulta? Pamumula, pamamaga at pagdurugo ng gilagid! Para sa marami na may gingivitis, ng pamamaga ay hindi naman masakit. Kung malalaman mong ikaw ay may gingivitis ng mas maaga, maaari itong gumaling sa pamamagitan lamang ng pagsasaayos mo ng kaugalian sa pagsisipilyo. Pero kung ito ay mapabayaan, ang gingivitis ay maaaring lumala at mauwi sa pagkabulok ng ngipin. Siguraduhing magkonsulta sa iyong dentista kung nakikita moa ng sumusunod na mga sintomas ng gingivitis kahit na hindi mo gaaanong nararamdaman ang sakit:

  • Parang hindi na kasya o maluwang na ang mga ngipin mo, lalo na kung ikaw ay gumagamit ng pustiso
  • Pagkakaroon ng malalim na mga uka sa pagitan ng ngipin at gilagid
  • Pagdurugo ng gilagid kapag nagsisipilyo
  • Ngipin na umuuga
  • Hindi naaalis na mabahong hininga at masamang lasa sa bibig
  • Pamumula, pamamaga at malambot na gilagid

Habang lumalala ang gingivitis, pwede itong mauwi sa periodontitis, isang kundisyon na kung saan, ang gilagid ang buto na kinakabitan ng mga ngipin ay lubusan nang nanghina. Ang bacteria sa ngipin ay nagpapalabas ng nakalalasong mga kemikal na pwedeng makasira sa gilagid na pwedeng maging dahilan na ito ay magkaroon ng impeksyon. Ang impeksyon at pamamaga ay maaaring magpahina sa buto na nasa panga. Baka magkaroon ka ng matinding pamamaga ng gilagid na parang magdurugo. Kung hindi magagamot, maaari itong mauwi sa pagkaubos ng iyong ngipin.

Singaw sa bibig. Ang singaw ay isa pa sa mga dahilan ng pamamaga ng gilagid. Ang singaw ay maaaring tumubo kahit saan sa bibig, kasama na ang gilagid, na kadalasang may maputing gitna at mapulang gilid. Pwede kang magkaroon isang singaw na nakaaapekto sa isang bahagi lamang o kaya naman ay maraming singaw na tumubo ng sabay-sabay sa bibig.

Hindi lubusang matiyak ng mga dalubhasa ang pinaka sanhi ng singaw, malamang na may kinalaman dito ang bacteria o virus. Ang mga taong may sakit sa immune system ay mas malamang na magkaroon ng pamamaga ng gilagid dahil sa singaw. Ang singaw ay kadalasang bumabalik paminsan minsan ngunit hindi naman nakakahawa.

Gamot sa namamagang gilagid

Napag-usapan natin na ang isa sa pinaka madalas na sanhi ng namamagang gums ay ang pagkakaroon ng sakit sa gilagid tulad na lamang ng gingivitis. Ano ng aba ang gamot sa gingivitis?

Tama, mahalaga na gamutin ang gingivitis habang hindi pa ito malala sapagkat may pag-asa ka pang manumbalik ang dating sigla ng iyong gilagid. Mas makakatulong pa kung ikaw ay magkakaroon ng pang-araw araw na rutina ng pangangalaga ng iyong bibig at pag-iwas sa paggamit ng mga produktong may tabako.

Ang propesyunal na paggamot sa namamagang gums na dulot ng gingivitis ay ang sumusunod na mga hakbang:

Paglilinis ng ngipin. Ang paglilinis ng ngipin na isinasagawa ng mga dentista ay pagtatanggal ng mga namuong plaque, tartar at iba pang mga duming pwedeng pamugaran ng mga bacteria. Ito ay tinatawag na scaling at root planning. Ang scaling ay ang pag-alis sa mga tartar at bacteria sa ibabaw ng ngipin at ilalim ng gilagid. Ang root planning naman ay tumatanggal sa mga dumi na resulta ng pamamaga ng gilagid. Dahil sa prosesong ito, magiging tuloy tuloy na ang paggaling ng pamamaga ng gilagid dahil aalisin nito ang anumang pwedeng pamugaran ng bacteria. Ang prosesong ito ay isinasagawa gamit ang mga kagamitan ng dentista, tulad ng laser o ultrasonic device.

Pagsasaayos ng mga ngipin, kung kinakailangan. Ang sungki-sungking mga ngipin at ang maluwang o masikip na pustiso ay maaaring maka irita sa gilagid at hadlang sa tamang paglilinis ng ngipin araw araw. Kung sa tingin ng dentista ay nakakapagpapalala ng pamamaga ng gilagid ang kundisyon ng iyong mga ngipin o pustiso, malamang na ayusin ng dentista ang problemang ito.

Patuluyang pangangalaga. Ang gingivitis at ang pamamaga na kasama nito ay gumagaling sa pamamagitan ng pagpapalinis sa dentista at patuluyang paglilinis ng bibig araw-araw. Tutulungan ka ng dentista mo na malaman kung paano ito isasagawa araw-araw at mag eeskedyul siya ng appointment para sa regular na checkup at paglilinis.

Kung regular mong ginagawa ang pagsisipilyo ng tama at pagbisita sa dentista, makikita mong manunumbalik ang sigla ng iyong gilagid sa loob lamang ng ilang linggo. Kung mangyari iyan, di mo na kakailanganin ang gamot sa namamagang gilagid o gingivitis!

h2 class="widget-title">Katulad Na Mga Artikulo