nandito ka
Ano ba ang Gamot sa Mabahong Hininga? bibig 

Ano ba ang Gamot sa Mabahong Hininga?

Ang mabahong hininga, o tinatawag ding halitosis, ay maaaring sanhi ng hindi mabuting pangangalaga sa bibig at maaaring isang sintomas ng iba pang sakit. Ang mabahong hininga ay maaaring mapalala ng uri ng pagkaing madalas mong kainin at hindi malusog na lifestyle.

Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang gamot sa mabahong hininga o mga paraan kung paano mawala ang bad breath.

Mga sanhi ng mabahong hininga

Tulad ng nabanggit natin sa pambungad, ang mabahong hininga ay maaaring dahil sa mga kinakain at lifestyle. Pag-usapan natin kung paano ang mga ito pwedeng makapagdulot ng bad breath.

Mga kinakain at ang bad breath. Ang totoo, ang pagkain ay ay nagsisimula nang gilingin sa bibig pa lamang. Kapag kumain ka ng mga pagkaing may matapang na amoy tulad ng bawang o sibuyas, ang pagsipilyo, paggamit ng dental floss o kahit na ang pagmumug ng mouthwash ay maitatago ang amoy ng kinain mo sa loob ng maikling panahon lamang. Ang amoy ng kinain mo ay hindi lubusang aalis sa katawan mo hangga’t hindi ito lumabas sa katawan mo. Kaya, ang mga bagay na kinakain mo, lalo na ang mga pagkaing matapang ang amoy ay pwedeng maging dahilan ng mabahong hininga.

Lifestyle at ang mabahong hininga. Kung hindi mo ugali na magsipilyo araw-araw, ang mga tirang pagkain ay mananatili sa bibig mo, na nag-iimbita sa mga bacteria na magparami sa gitna ng iyong mga ngipin, sa palibot ng gilagid at sa ibabaw ng dila. Ito ay sanhi ng pagkakaroon ng mabahong hininga. Ang paggamit ng mouth wash na may anti bacterial property ay makakatulong na mapigilan ang pagdami ng bacteria.

Karagdagan pa, ang mga bacteria na sanhi ng masamang amoy at ang mga tira-tirang pagkain ay nagdudulot ng bad breath kung ang iyong pustiso ay hindi mo nalilinisan ng maayos.

Ang paninigarilyo, pag-nguya ng nganga ay maaari ring magdulot ng mabahong hininga, mantsa sa ngipin, at maaari nitong pahinain ang iyong kakayahan na makalasa ng pagkain. Maaari din itong makisira sa gums mo.

Mga sakit na maaaring iugnay sa mabahong hininga

Ang pagkakaroon ng mabahong hininga sa loob ng mahabang panahon ay maaaring palatandaan ng seryosong sakit sa bibig. Ang mga sakit sa gilagid ay sanhi ng pagkakaipon ng plaque sa mga ngipin. Ang bacteria na nasa plaque ay nagpapalabas ng mga toxin na mapaminsala sa gilagid. Kung hindi ito malulunasan, pwede nitong sirain ang iyong gums at buto sa panga.

Ang hindi maaayos na pagkakasukat na pustiso o braces, yeast infection at cavities ay kabilang din sa mga sanhi ng bad breath.

Ang pagkakaroon ng xerostomia, o dry mouth ay isa pa sa mga itinuturong mga sanhi ng pagbaho ng hininga. Ang laway ay kailangan para basain ang bibig, i-neutralize ang mga asido na nabubuo sa plaque, at hugasan ang patay na mga selula sa dila at gilagid. Kung hindi ito maaalis, ang mga selulang ito ay mabubulok at alam mo na, magiging sanhi ng mabahong hininga. Ang pagkakaroon ng dry mouth ay pwedeng side effect ng pag-inom ng ilang uri ng gamot, dahil sa mga problema sa salivary gland, o patuluyang paghinga gamit ang bibig.

Marami pang ibang mga karamdaman ang pwedeng maging sanhi ng mabahong hininga. Narito ang ilan sa mga dapat mong bantayan.

  • Pneumonia
  • Bronchitis
  • Sinusitis
  • Diabetes
  • Acid reflux
  • Sakit sa atay o kidney

Paano iwasan ang mabahong hininga?

Alam mo, ang pinaka-mahusay na lunas sa mabahong hinininga ay ang pag-iwas na magkaroon nito. Maiiwasan mo ang pagkakaroon ng mabahong hininga sa pamamagitan ng pagsunod sa mga sumusunod na payo.

Maglinis ng bibig araw-araw. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagsisipilyo gamit ang toothpaste na may fluoride para matanggal ang mga tira-tirang pagkain at plaque. Magsipilyo ng ngipin tuwing pagkatapos kumain. Magiging posible ito kung magdadala ka ng toothbrush sa trabaho o eskwela para makapagsipilyo pagkatapos kumain. Magpalit ng sipilyo tuwing dalawa o tatlong buwan, o kung gumagaling ka pa lamang sa sakit. Huwag kalimutang sipilyuhan ang dila. Magmumog ng antibacterial mouthwash dalawang beses kada araw. Ang iyong pustiso ay dapat na alisin sa gabi at linising mabuti bago mo isuot uli sa umaga.

Regular na magbisita sa dentist. Magpacheck-up sa dentista dalawang beses taon-taon para mapanatili ang malusog na dental health. Ang dentista ay magsasagawa ng pagsusuri sa bibig mo at paglinis sa ngipin. Sa pamamagitan ng pagsusuri, makikita niya kung ikaw ay may sakit sa bibig na dapat lunasan, mga problema na pwedeng sanhi ng mabahong hininga.

Tumigil sa paninigarilyo at pag nguya ng nga-nga. Kung ikaw ay naninigarilyo, isa ito sa pinaka-mabisa ngunit pinakamahirap na gamot sa mabahong hininga. Pero sulit naman kung maihihinto mo ito ng mas maaga. Magtanong sa dentista para matulungan kang ihinto ang iyong paninigarilyo.

Uminom ng maraming tubig. Ang pag-inom ng maraming tubig ay gamot sa bad breath dahil pinanatili nitong basa ang iyong bibig. Ang pagnguya ng sugarless na chewing gum ay nakatutulong din sa pagpapadami ng laway sa bibig na kailangan para mahugasan ang tirang mga pagkain sa bibig pati na rin ang mga bacteria.

Bantayan ang mga kinakain. Kung sa tingin mo ay sanhi ng bad breath mo ang iyong mg kinakain, sabihin mo sa dentista mo kung ano ano ang mga kinahihiligan mo. Gumawa ka rin ng listahan ng mga gamot na iniinom mo, ang ilan sa mga gamot ay maaari ring sanhi ng mabahong hininga.

Gamot sa mabahong hininga

Okay, ginawa mo na ang lahat na nabanggit, pero ganoon parin, mabaho parin ang hininga mo. Panahon na para magtanong sa dentista, ang taong tiyal na makakatulong saiyo. Una, aalamin muna ng dentista ang sanhi kung bakit bad breath ka. Kapag natukoy na niya ito, sasabihin niya saiyo kung ano ang dapat mong gawin. Kung ang bad breath ay hindi naman galing sa sakit o problema sa bibig, pwede kang i-refer ng dentista sa isang espesyalista para matukoy kung ano talaga ang sanhi at lunas sa mabahong hininga. Kung ang bad breath ay dahil sa sakit sa gilagid, halimbawa, irerefer ka ng dentista sa isang periodontist, dentista na espesyalista sa mga sakit sa gilagid.

Ano ba ang gamot sa mabahong hininga na pwedeng mabili sa botika? May mga mouthwash na makapag-aalis ng mga bacteria sa bibig. Magtanong sa dentista kung anong produkto ang bagay saiyo.